Madalas nating sabihin na hindi naman talaga basehan ang hitsura ng isang tao upang sabihin na mahal natin siya. Marami ang nagsasabi na ugali pa rin at personalidad ang lamang upang masabi mo nga na gusto mo ang isang tao. Ayoko na tuloy maniwala sa opinyon na ‘yan. Hindi natin pwedeng ikaila na tumitingin ang tao sa panlabas na anyo. Ipokrito ang magsasabi na walang kwenta sa kanya ang hitsura ng tao. Mula sa buhok hanggang sa waist line, tumitingin ang tao. Mula sa hugis ng mukha hanggang sa lapad ng mga binti, pinapansin ng mga tao. Pipigurahan ninuman kung bagay ba ito sa kanya o pasok sa standards niya.
‘Yung mga kalimitang sumisikat sa telebisyon at maging dito sa Tumblr ay kadalasang magaganda at gwapo. Kung sumikat man ‘yung mga hindi kagandahan at kagwapuhan, negative naman ang impact. Kinukutya sila. Pinagtatawanan sila. Bina-bash sila. Paano mo sasabihing ugali at personalidad ang angat kung dito pa lang ay talo na ang mga hindi kagandahan at kagwapuhan?
Parang nakukuha ko na tuloy ‘yung sagot sa isang tanong ko. Marahil kaya hindi ako magustuhan ng mga babaeng magaganda at sexy ay dahil hindi naman ako ganun kagwapo at wala akong katawan na matipuno. Aminado akong hindi ako pangit, pero siguradong malayo ako sa standards ng mga magagandang babae na ‘yun. Parang ang lumalabas kasi ngayon, ang magaganda ay para sa mga gwapo. Ang mga hindi kagwapuhan, pasensyahan na lang.
Sa totoo lang, ‘yan naman ang reyalidad. Hindi kalakihan ang porsyento ng mga may hitsura at walang hitsura na nagkakatuluyan.
Kung gwapo at matipuno lang siguro ako, hindi ako namomroblema ngayon.